Lulan ng service van na magdadala sa amin pauwi ni Bong kagabi, naisipan kong buksan ang aking Facebook account gamit ang aking telepono. Ganun lang naman ang ginagawa ko para malaman kahit papaano ang nangyayari sa labas ng mundong nagkukulong sa akin sa mahigit na walong oras araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes.
Tiningnan ko ang mga status updates ng mga kaibigan sa FB hanggang makita ko ang status update ng kapatid kong si Anne. Sinabi lang niya, “I miss you Lon, I really really miss my kuya
”
Yun lang, hindi ko na napigilang tumulo ang luha ko. At hindi lang kaunting luha, talagang naiyak na ako. Magla-labing-tatlong taon na, Lon, nung umalis ka. Kung bakit hanggang ngayon kapag mababanggit ka o magsusulat ako tungkol sayo, hindi ko mapigilang umiyak pa rin. Sa tinagal tagal nang pagkakaiwan mo sa amin, kung bakit gustuhin ko mang hindi na malungkot, ganun pa rin, parang kahapon lang nung nangyari yun. parang nung isang gabi lang nandun ka pa sa kwarto naming mga babae. Parang nung isang araw lang, nilalaro mo pa ang isang taong gulang na si Kara. Parang nung makalawa lang, sumasakay ka ng bus para pumasok na sa paaralan bilang first year college student ng La Salle. Parang kelan lang yun, hindi tulad ng katotohanang labing-tatlong taon na pala mula nang mangyari iyon.
Sa Sabado, August 20, bibisitahin ka muli namin sa iyong kinahihimlayan. Hindi ko alam kung makikita mo kami, panonoorin kung paano ka namin ipagdasal, kung paano kaming magsasalu-salo matapos magdasal, at kung paano magkakagulo ang mga maliliit mong mga pamangkin habang kami namang mga matatanda ay nagkukuwentuhan. Sabi nga ni Anne bilang sagot sa mga nagkomento sa status update niyang iyon, “ang daya lang kasi e
pagka bigay ng medal umalis na
“ Pati tuloy ako nagtatampo na. Pano kasi, feeling ko, nagpakita ka sa kanya sa panaginip, samantalang sa akin, hindi. May favoritism ka ‘no? Pero siguro, yun ang paraan mo nang pagsasabing nandiyan ka pa rin at hindi magpapalimot.
Wag kang mag-alala, kahit siguro ilang taon ang magdaan, hinding hindi ka namin malilimot. Pero kasabay ng hindi paglimot, ay ang patuloy na pagkalungkot kapag nasasagi ka sa aking isip.
Sisinghot singhot ako. Madilim sa van habang nakatutok pa rin ang tingin ko sa cellphone na kaharap ko. Naramdaman ni Bong na sinisipon ako. Tinanong niya ako kung bakit, sinumpong raw ba ako ng allergy? Sabi ko, oo, sabay hilig ng ulo ko sa balikat niya. Binigyan niya ako ng tissue para sana maagapan ko yung sipon ko. Pero ang di niya alam, pinahid ko muna ang luha ko na parang ayaw tumigil sa pagpatak.
Oo nga, sana nga, allergy na lang iyon. Mas madali sanang gamutin, di tulad ng kirot sa puso ko habang isinusulat ko ito.



Like