Dahil mahigit 140MB ang dini-DL kong file galing sa agency na gumawa ng Employees’ Yearbook namin na siya ko namang mamanipulahin dito sa pc ko, meron akong panahong magsulat. Actually kung tutuusin, dapat pala e naglelayout ako ng weekly publication ko na nung isang linggo ko pa hindi naaupdate dahil sa gabundok na trabaho para sa musicale namin sa 25th. Kaya lang, habang nagaupdate ng links sa Adobe InDesign yung malaking file na padala ng agency, inutil din ako sa paglelayout dahil wala akong mabubuksang ibang file, kaya eto magsusulat na lang ako. Ng ano kamo? Ng mga kung anu ano lang. Masyado na kong napepressure ni Lio na magsulat kahit alam niyang marami akong ginagawang trabaho.
So anong mga narealize ko? In no particular order, ay:
- Talagang matandang matanda ang turing saken ni Lio. Pag nagtetext kasi siya ng kung anu-anong shit (excuse my French) e gumagalang siya saken. As in. Eto ang example: “At bkt wla kaung bgong post eh ngaun p nmn aq ngkron ng time para mgbloghop?” Notice the ‘kayo’ in reference to me? Sa halip na sabihin niyang “At bakit wala kang bagong post,” e ‘kayo’ talaga ang ginagamit niya. Haha! Sorry, Lio. Naaaliw lang talaga ako. Di ko alam kung magkasingedad kayo ni Vajee, pero si Vajee, kahit mommy ang tawag niyan saken, hindi niya ako iginagalang. O iyan ba e dahil di ako kagalang galang? (napakamot ng ulo sabay napaisip sa tunay na sagot)
- Masarap kantahin ang Telephone ni Lady Gaga. Naappreciate ko lang siya nung kantahin yun nina Charice at Lea Michele Sa Glee. Kaya ngayon yung version ni Lady Gaga at Beyonce, lagi ko na ring pinakikinggan.
- Nagugulat ako sa mga pagbabagong nagaganap sa kapatid kong si Jeson. Pero palagay ko, mas nagulat si Cassie nang minsang napanood niya ang pagkanta ni Tito Jeson ng Fireflies. Natutulog siya nun sa tabi ko nang maisipan kong panoorin mula sa FB ang video ni Jeson. Namangha ako kasi anlakas talaga ng loob niyang irecord on video ang pagkanta niya. Ayun, ang perfect pitch na batang si Cassie ay nagising, at nakinood. Pero nung tinitingnan ko ang reaction ng muka niya, parang di niya gusto ang napapanood at napapakinggan niya. To think na hindi pa Halloween nung mga panahong iyon.
- Kahit na ang dami dami daming trabaho ngayon sa opisina, narealize kong mahal ko talaga ang trabaho ko. Hindi lang dahil ito ang isa sa pinanggagalingan ng resources namin ni Daddy Bong, kundi dahil kahit anong dami ng reklamo ko kapag napapagod ako sa tambak at gabundok na kelangang tapusin, papasok at papasok pa rin ako para gawin ang trabaho ko. At sa gabi bago matulog, nagpapasalamat ako kay Lord dahil sa mga bagong natututunan ko sa trabaho araw-araw.
- Hindi lang pala ako ang nakapansin na magaling kumuha ng tono si Cassie. Nung Sabado, sinubukan nina Bong at ng mga in-laws ko ang magkonekta sa Skype para makausap ang aking hipag, si Ateyet, isang doktor ng medisina na ngayon ay nabibilang sa mga makabagong Bayani ng Bansang ito. Oo, isa siyang dakilang OFW sa Australia. Sa isang ospital sa Adelaide siya nagtatrabaho bilang isang Emergency Medicine doctor. Kasama niya doon ang kanyang asawang si RG, isa ring doktor. At dahil sabik sa pamilya lalo sa kanyang mga pamangkin, minabuti nilang subukang mag-Skype (ako, kasalukuyang nanonood ng homecoming concert ng Philippine Madrigal Singers sa CCP kasama ang pinsan ni Daddy Bong na si Iah). Hindi sila successful sa pagkonek sa Skype. Hindi tuloy nakita ni Ateyet ang dalawang piglets. Pero kinantahan pala sila ni Cassie. Ayun, sa text niya kanina sa akin, sinabi niyang magaling na rin palang kumanta si Cassie, tamang tama ang tono, at pati si RG na kumakanta at tumutugtog (ng piano, gitara, sax, drums—isa siyang alien, hindi nyo naitatanong) ay ganun din ang puna. Sabi ko sa kanya, si Jeremy, magaling din kumuha ng tono. (Pinagkakatuwaan namin yan ng kapatid kong si Anne palagi.) Sa aking palagay, may pagmamanahan naman ang mga anak ko kung lahat sila may sinabi pagdating sa musika. Si Ate Kara ngayon ay parte ng gifted group ng kanilang school choir. Alto ang boses niya, na sa palagay ko, kung mahahasa pa ay maaaring maging soprano. Si Daddy Bong, makailang beses ko nang naisulat na magaling kumanta. Classical voice din ang training nilang magkakapatid at pwede siyang magtenor o magbass. Sa totoo lang, ako ang kanyang number one fan. Ako naman, noong college ay nag-aral ng voice lessons sa College of Music extension program, at matapos iyon ay naging bahagi sumandali ng UP Singing Ambassadors. Pangarap kong magkaroon din ng magandang background sa music ang aming mga anak. Malay mo, balang araw, maging bahagi ang isa sa kanila ng Madz…o kaya’y maging bagong discovery ni David Foster…parang si Charice lang. Hihihi!
- Narealize ko rin na hindi kami nakapagdasal ng rosaryo sa buong buwan ng Oktubre. Tradisyon namin yan ni Daddy Bong. Alam kong hindi ito tamang rason, pero nawala na marahil sa aming gunita ang magdasal nito bago matulog dahil kadalasan, pareho kaming pagod na pagod galing sa trabaho. Pagdating pa sa bahay, kukunin na namin agad ang mga bata mula sa mga yaya. Ayun tuloy, hindi pa man lumalapat ang mga likod sa kama, naghihilik na. Pareho kami. Hihihi!
- Masarap pala ang Magic Creams chocolate flavor. Nung isang araw nakita kong kinakain ito ni Daddy Bong at ni Jeremy pero di ko pinansin kasi…wala lang. E pinabaunan ako ni Daddy Bong dun sa baunan ko at kanina mineryenda ko yung Magic Creams. Masarap pala. Nakain ko yung dalawang pack na pabaon saken. Thank you, Dad.

- Tagalog ang post ko ngayon. May nakapagsabi kasi sa akin na kaya daw di niya ako madalas puntahan dahil English ang mga posts ko. Anuver. Nalungkot naman ako. Di naman hi-fallutin’ ang English ko. Pinagsisikapan ko lang na maging grammatically correct ang mga entries ko kasi nakakahiya naman sa trabaho ko kung di ko itatama ang grammar ng sinusulat ko. Pero kahit na. Ayan, sa Tagalog na ako nagsulat. Siguro naman hindi na niya ako iisnabin. Teka, sino nga ba yun? nakalimutan ko na. Sana puntahan niya itong site ko. Haha!
At dahil hindi pa tapos ang trabaho ko. hanggang dito na lang muna ang blogpost ko. Narealize kong walang tamang closure ang sinulat ko. Ibig sabihin, may kasunod pa ito. Sana masundan ko agad bago ako mamatay sa pagkakadagan ng sangkaterbang trabaho ko sa opisina. LOL.










































