Ilang araw na akong umuuwi ng sobrang late, at nitong dalawang nakaraang araw, nung Lunes at Martes, to be exact, e magkasunod na pasado alas-10 na ang uwi ko. Buti na lang at sinusundo ako ni Daddy Bong. At habang tinatawag ko ang lahat ng mga bathala sa langit at napapamura (excuse my French) sa inis dahil sa pagpalpak ng pc ko at ng printer namin dito sa opisina e maririnig ko ang mga sigaw niya—minsan naiinis, minsan tuwang tuwa, dahil sa nilalaro niyang tong-its sa telepono niya. Tuloy, hindi ko alam kung maiinis ako sa ginagawa kong trabaho, o sa kanya dahil lalo lang niya akong iniinggit, at sa bawat hiyaw niya, e namamagnify naman ang katotohanang wala akong petiks moment kesehodang alas-10 na ng gabi (joke lang.) Ito pa rin ay sa kadahilanang napakarami naming trabaho dala ng nalalapit nang ika-100 anibersaryo ng aking pinapasukang kumpanya.
Pero kagabi, sa di inaasahang pagmimilagro ng mga bathala, e ready na akong umuwi bago pa man mag- alas-8. Kaya ayun, hindi na ko nagpaka-bibo pa sa boss ko at inunahan ko na siyang umuwi. Buti na lang, dahil paguwi, (kasabay si Daddy Bong na saktong nauna ng kaunti sa akin at naghintay na lang sa aming town plaza) e palabas na ang Glee. Kung di pa ko niremind ni Ate Kara, e hindi ko maaalalang Miyerkules nga pala at gabi ng Glee. Hindi ko pa rin naumpisahan pero paglipat sa Jack TV channel, saktong yung mga juicy moments ang palabas. By juicy, I mean dalawa sa mga characters ng Glee ay nagme-make out. si Tina at Mike, na parehong Asian, ay naglalampungan. Pero kung bakit naman din maya maya lang ay may nag-flash sa scene na image ni Coach Beiste na naka-ballet attire habang nagyoyosi (I think, di ko na maalala mashado e). Naloka ako bigla. Hindi ko naintindihan kung anong ibig sabihin, kaya tinanong ko si Daddy Bong. Di din niya maintindihan yung explanation dahil kasalukuyan namang nagkukulitan ang dalawang piglets na sina Jeremy at Cassie, at mas malalakas pa ang mga boses nila kesa sa pinanonood namin.
Kaya ang tinanong ko e si Ate Kara. Eto ang explanation niya: “Pag nagme-makeout kase yung mga students, para daw mag “cool down,” they picture Coach Beiste in the most disgusting way.”
Ok, kung inaakala nyong tungkol sa Glee ang post na ito, nagkakamali kayo. Ang totoo, bigla kong narealize na alam na ni Ate Kara ang mga konseptong making out and “cooling down.” Naloka talaga ako, pero panandalian lang. Hehe. Sa panahon ngayon, hindi na talaga maiiwasan ng mga kabataang maexpose sa mga ganitong bagay. Isama mo pa diyan ang miminsanang pagkakataong nakakalimutan ko na hindi 30-years old ang kausap ko kundi ang anak kong 13-years old pa lamang.
Pero kesehodang tumaas ang kilay ng mga mapanuring nilalang, never kasi akong naging sobrang istrikta kay Ate Kara. Yung mga officemates ko pa nga noon ang mashadong protective at ayaw ipabasa kay Ate Kara ang Twilight series dahil sa mga references about sex. Ako, hinayaan ko siya, dahil sa dami ng mga kabataang mas bata pa sa kanya na nakabasa na ng Twilight series, malamang sa malamang, kung hinigpitan ko siya, hahanap at hahanap pa rin siya ng paraang mabasa yun.
Simple lang naman akong nanay. Mas gusto kong nagagabayan ko si Ate Kara sa paraang hindi niya ako kaiinisan. Hindi ko siya pinaghihigpitan sa mga ganito dahil mas gusto kong alam ko kung ano ang mga pinanonood at binabasa niya. Alam din niya kung ano ang mga hangganan niya. Alam niyang hindi siya pwedeng basta basta maglakwatsa kung saan saan kung mga kaklase lang niya ang kasama. Sa iisang pagkakataong ginawa niya yun, hindi ko siya pinagalitan, kinausap ko ng kalmado, at abut abot ang paghingi niya ng pasensiya.
Bihira akong magalit sa kanya, bagkus, kinakausap ko siya ng maayos, kahit pa nga minsan sa text lang, para hindi naman din siya masyadong mapahiya sa akin, sa mga kasama niya, o sa mga taong nakapaligid sa kanya. Ang kung anumang isyung mabigat na kailangan naming pagusapan ay sa aming dalawa lamang. Sa ganyang paraan ko naipararamdam sa kanya na pwede akong maging kaibigan, pero dapat may sapat pa ring puwang para maramdaman naman niyang ako pa rin ang nanay niya.
Hindi madaling maging nanay, o magulang. Maraming mga pagkakataong nagkukuwento ako ng mabilisan sa Facebook tungkol sa mga piglets na sina Jeremy at Cassie. Sa kabila ng mga nakatutuwa at nakaaaliw na pagkakataon dala ng kanilang kainosentehan, I wear a different hat pagdating sa panganay na si Ate Kara. At sa araw-araw na pagiging nanay nila, abut-abot ang pasasalamat ko kay Lord dahil sa dinami dami ng pwedeng pagbigyan sa kanila, ako at si Daddy Bong ang napili Niyang maging mga magulang nila.
OT: Kanina, naaliw ako sa kwento ni Daddy Bong habang nagbibiyahe kami papuntang Alabang. Nanaginip daw siya. Ang napanaginipan niya, si Charice. Oo, si Charice Pempengco na ngayon ay Charice na lang o Sunshine Corazon sa Glee (again, walang kinalaman sa Glee ang post ko). Wala namang juicy stuff, feel na feel lang daw niya na FC, a.k.a. feeling close sa kanya si Charice. Sobrang makangiti at makaestima sa kanya. O e ano ngayon? Wala lang, masabi lang kasi si Daddy Bong ay magwa-one year na rin sa kanyang blogging. Padalhan nyo naman siya ng fan sign sa kermiteah(at)yahoo(dot)com. ![]()

























