What I’ve felt
What I’ve known
Never shone through in what I’ve shown
Never be
Never see
Won’t see what might have been
What I’ve felt
What I’ve known
Never shone through in what I’ve shown
Never free
Never me
So I dub thee UNFORGIVEN
Pauwi ako kagabi, sakay sa service na magdadala sa akin hanggang sa town plaza ng Sta. Rosa kung saan ako sasakay ng isa pang tricycle para naman makarating sa aming tahanan, at habang naghihintay ng mga pasahero upang mapuno ang service, napansin ko na CD music ang pinatutugtog sa sasakyan.
Kanta ng Metallica ang nakasalang, Unforgiven. Napakanta ako. Isa ito sa mga paborito ko nung ako ay high school pa lamang. Naisip ko, halos alam ko pa rin ang lyrics ng kanta.
Bigla rin akong napaisip. Ika-20 na pala ng Agosto kinabukasan. Ngayon yun. At naalala kong labindalawang taon na ang nakararaan nang iwan mo kami.
Umaga noon, kumakatok ako sa pinto ng kuwarto mo, upang gisingin ka dahil papasok ka noon sa kolehiyo. Ihahatid tayo ni Papa sa Makati kung saan ako nagtatrabaho, at dun ka din naman bababa. Hihintayin kong makasakay ka ng bus na magdadala sa iyo sa Taft bago ako tuluyang pumasok ng building namin para simulan ang isang maghapong pagtatrabaho. Hindi ako makapasok sa loob hanggang di ko nasisiguradong nakaalis ka na lulan ng bus.
Pero nung araw na iyon, wala akong narinig na sagot mula sa iyo. Pinihit ko ang seradura ng pinto pero walang nangyari, hindi ko mabuksan. Kumatok ako ng malakas, pero wala. Umikot ako sa labas ng bahay sa tapat ng kwarto mo, pero pati ang iyong bintana ay nakalapat. Tumawag ko pero walang sagot. Iba na ang pakiramdam ko.
Bumalik ako sa loob ng bahay at kinuha ang susi. Nabuksan ko naman ang pinto, pero hindi ko maitulak paloob dahil may nakaharang. Iba na nga ata ito. Natatakot na ako, kinakabahan. Ano bang nangyari sayo?
Pinagtulungan naming buksan ang pinto mo, at sa wakas ay nabuksan na. Pero kakaiba ang pakiramdam ko. Nakita ka naming nakalugmok sa sahig ng kwarto mo, wala nang buhay. Dinala ka sa ospital, pero wala na, matagal mo na siguro kaming iniwan, kasabay ng pagtigil ng orasang nakahimpil sa dingding ng kwarto mo.
Sometimes I feel like I don’t have a partner Sometimes I feel like my only friend Is the city I live in, the city of angels Lonely as I am, together we cry
Walang nagawa ang lahat ng luha namin dahil iniwan mo kaming nagtatanong. Ni hindi namin alam kung matagal ka nang malungkot at naisipan mo na lang na wala rin kaming maitutulong sayo kaya mabuti pang iwan mo na lang kami.
Hanggang ngayon tinatanong ko pa rin sa sarili ko kung ano nga bang nangyari. Hindi pa rin malinaw ang lahat. Nung isang araw lang napagusapan ka namin ni Mommy. Ang tanging nasambit niya, siguro, talagang hanggang ganun na lang ang buhay mo. pero nasabi din niya, ano kaya kung buhay ka pa? siguro may asawa’t mga anak ka na, at lalong mas magulo pero mas Masaya pag nagkasama-sama tayo.
Pero kahit anong gawin o isipin ko, wala na rin namang mangyayari. Kasi wala ka na. Pero alam mo, kung may isang pagkakataon akong babalikan, yun ang gabi bago ka mawala. Baka sakali kung nayakap kita o nakakwentuhan nung gabing yun, tulad ng ginagawa mong pag-raid sa kwarto namin pag nagkukuwentuhan kaming mga babae, baka sakali…baka sakali…kasa-kasama ka pa rin namin hanggang ngayon.
With the lights out, it’s less dangerous Here we are now, entertain us I feel stupid and contagious Here we are now, entertain us
Pauwi ako kagabi, sakay sa service na magdadala sa akin hanggang sa town plaza ng Sta. Rosa kung saan ako sasakay ng isa pang tricycle para naman makarating sa aming tahanan, at habang naghihintay ng mga pasahero upang mapuno ang service, napansin ko na CD music ang pinatutugtog sa sasakyan. Ang mga kantang tinugtog, puro alternative songs. Mga awiting pinakikinggan ko noon, na pinakikinggan mo rin. Metallica, Red Hot Chilli Peppers, Nirvana…mga awiting minsan nagustuhan nating pareho.
Pero noon yun. ngayon kapag naririnig ko sila, hindi ko maiwasang malungkot at maalala ka.
Sana’y Masaya ka kung nasaan ka man ngayon. May you rest in peace, Lon. At sana’y alam mong mahal na mahal kita.





